Saturday, May 7, 2011

Ang Daan sa "Tuwid" na Edukasyon

Sa aking pagkaka-alam, hindi maituturing na isang mainit na isyu ang pagdadagdag ng dalawang taon sa basic education dito sa Biliran at siguro ay ganun din sa iba pang sulok ng ating bansa.

Dahil sa kaka-facebook, nabasa ko sa isang kilalang page ang isang artikulong nagpapahayag na pabor ang mga sektoral group ng probinsya ng Biliran sa implementasyon ng K+12 sa Basic Education Program sa bansa[http://www.facebook.com/biliranisland]. Pilit ko mang hindi lumitaw na parang devil’s advocate sa isyung ito, ninanais ko lang na ipahayag ang aking sariling opinyon batay sa naturang kalagayan ng Pilipinas...

Nakabalangkas sa BESRA (Basic Educ. Sector Reform Agenda) na pinaghalawan ng panukalang K+12 ang layuning "education for all" pagdating ng 2015. Dapat lang naman talagang makatamasa ang lahat ng edukasyon dahil nga sa iginigiit nating “Education is a right”, at bilang nakasaad sa ARTIKULO XIV ng 1987 Constitution;  “Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong eduasyon”.

Picture from:     http://www.thepoc.net
Sa puntong ito, handa na ba nating ipaglaban kung talagang ang K+12 ba ay ang agarang solusyon smga problemang kinakaharap ng edukasyon sa Pilipinas?

Sa taong 2010, kilala ang mga malawakang protestang nailunsad ng bawat mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad ng bansa tungkol sa mahigpit na pagtutol sa di makatarungang Budget Cut na ginawa ng ating gobyerno sa sektor ng Edukasyon. Kung sa taong 2010 ay may P22.4B na badyet ang 112 State Universities and Colleges, ngayong 2011 ay bumaba ito sa P21.7B, at bilang mga SUC ng Biliran ang NSU-Main at NSU-Biliran campus, nararamdaman kong dinaranas din ng iilan pang SUC’s sa buong bansa ang ganitong problema.

Ang mas nakakangalit pa ay ang zero budget para sa capital outlay ng mga kolehiyo at pamantasan. Sa budget message ni PNoy noong ika-24 ng Agosto, 2010, idiniin niya na “We are gradually reducing the subsidy to SUC to push them toward becoming self-sufficient and financially independent, given their ability to raise their income and to utilize it for their programs and projects.”

Sa kasalukuyan, marami ang naghihirap sa mataas na bilihin. Dagdag pa ang pagpasa ng Oil Deregulation Law na nanggigipit sa ating mga drayber at pati na rin sa aming mga estudyante. Sa patuloy na pagliit ng badyet sa edukasyon, nakikitang pilit nagsusumikap ang ating mga SUC’s na maka tugon sa kanilang mga pangangailangan. Patuloy na tumataas ang Tuition Fee at ilan pang mga pagtaas ng bayarin sa mga pamantasan at unibersidad. Nagkakaroon na ng mga “exorbitant fees” at nagsisimula na ang pagpaparenta ng mga idle assets sa mga pribadong kompanya upang kumita lamang ng pera.

Ang iginigiit nating “Education is a right” ay unti-unti nang nagiging “Education is a privilege”. Ang dahilan  ng karamihang hindi nakakapag-aral o hindi nakatapos sa pag-aaral ay, “walang pera” dahil na nga sa pagtaas ng matrikula at pati na sa mga bilihin.

Ngayon ay ating balikan ang K+12 Program… Sa ganitong kalagayan ng ating bansa, hindi kaya may mas panlunas pa ang ating gobyerno sa mga problemang kagaya nito maliban sa K+12?  

Hanggat hindi pangunahing tugon ng gobyernong Aquino ang edukasyon, dagdag na pahirap ang K+12. Dagdag na budget, hindi dagdag na taon!


No comments:

Post a Comment