Sunday, June 3, 2012

ANG BAGONG KABANATA SA PULITIKA NG PILIPINAS

Naging makasaysayan ang naturang hatol ng senado sa kaso ng ating dating Punong Mahistrado na si Renato Corona noong ika-29 ng Mayo, taong 2012. Ang limang buwang masining na pakikipagtalastasan na masusubaybayan natin sa medya ay umani ng malakas na atensyon sa sambayanang Pilipino. Matagal na tayong ginambala ng isyung ito. Dahil dito’y di natin maipagkakaila na naging matunog ang kaso ni Corona sa kapwa nating mga mag-aaral, mga magsasaka, mga drayber na nagpapahinga sa lilim ng punong kahoy, at pati na rin sa mga tambay.

Sa mga panahong ito ay mas nakilala natin ang ating mga hinalal na senador kung paano nila naipaglaban ang tama para sa bayan. Di ko makalimutan ang araw ng paghahatol na sa kabila ng pilahan ng mga kawawang estudyanteng biktima sa pagaabandona ng gobyerno sa edukasyon ay naging malakas ang tunog ng mga telebisyon ng mga suki nating kainan sa tapat ng kampus. Nagsiksikan tuloy ang kainan ni Mano Ohsan na dinadayo ng mga mapalad na “iskolar ng bayan” na tapos nang makapag-enroll at kasama ang ibang nagpapalipas lamang ng oras habang hinihintay ang mabagal na resulta ng bracket assignment nila sa STFAP.

Tumatak sa isipan ko ang paliwanag ni Sen. Defensor-Santiago tungkol sa pagiging “quasi-judicial” ng Senado. Ibig sabihin lamang na ang desisyon ng bawat senador ay may halong “judicial” at halong “pulitikal”. Nagiging pulitikal lamang kapag iniisip nila kung ano ang magiging epekto ng kanilang desisyon sa mismong sarili nila. Dahil sa ayaw ng karamihan si Corona, nagiging ayaw narin ng ibang senador si Corona na maupo pa sa pwesto. Eleksyon na naman sa 2013! Syempre, may “k” ka sa mga tao kung “guilty” ang hatol mo kay CJ Corona.

Nakakatuwa at nakakataba ng puso na maraming mga Pilipino ang interesado sa pulitika ng Pilipinas. Maraming masang Pilipino ang nakakaintindi sa isyu ni Corona, bilang isang midnight appointee na minsan ma’y sumasalamin sa katiwalian ng dating pangulong GMA. Kung galit ang taumbayan kay GMA, galit din ang taumbayan kay CJ Corona. Syempre, boss niya si GMA. Kinamumuhian natin siya sa kanyang mga umaapaw na tagong yaman habang marami ang nagugutom sa lansangan at minsan ma’y nakakain lamang ng isang beses sa isang araw. Kinamumuhian ko siya bilang pinakamataas na alagad ng  batas na mismong may planong takasan ang ilang batas na napag-aralan.

Kahit papano ay naging mahalagang bagay din ang panunungkulan ni Corona sa pamamahagi ng lupa sa mga nagigipit na magsasaka sa Hacienda Luisita. Nadaya man sila ng pamilya Cojuangco-Aquino, naging matagumpay naman ang mahigit isang dekadang pakikipaglaban nila sa lupang matagal nang inagaw. Bilang karagdagan ay nangangamba tayong magmistulang diktador ang ating pangulo kung malakas ang impluwensiya ni Aquino sa tatlong sangay ng ating gobyerno (ang Ehekutibo, Lehislatura, at ang Hudikatura).

Kontrabida man si Corona sa paningin ni Aquino, at kontrabida man si Arroyo sa buhay nating lahat, maliban sa sariling lalawigan kung saan siya ay nahalal na Kongresista sa kabila ng maraming katiwalian, ay makikita natin silang tatlo na kontrabida sa masang Pilipino. Ang walang katapusang debate sa K+12 at ang patuloy na pagkaltas ng badyet ng gobyernong Aquino sa edukasyon ang siyang nagpapaitim sa kanyang dilaw na simbolo.

Ngayon na ang panahon na magbalik serbisyo ang Senado sa mga dapat maisabatas na  mga naisumiteng panukala. Ang haba ng panahong nasayang. Tila nakalimutan na ba ang pang-aagaw ng Tsina sa Scarborough na teritoryo ng ating bansa? Mahalagang marinig natin ang opinyon ng Senado at ng Kongreso sa isyung may kinalaman sa “foreign policy” ng Pilipinas.

Kinakailangan din na magkaroon tayo ng bagong Punong Mahistrado na walang kinikilingan at walang pinoprotektahan. Bagama’t siya’y magiging appointed ni Pangulong Aquino ay hindi nararapat na maging tuta siya ng ating Pangulo o maski sinumang makapangyarihan sa bansa.

Ngayon ay Hunyo na! Ilang buwan nalang ay magiging matunog na naman ang mga tatakbo sa eleksyon sa susunod na taon. Alam kong magiging abala na naman ang medya sa pagpapakilala ng ating mga kandidato pero sana naman ay mas bigyang pansin ang kumakalam na sikmura ni Juan dahil sa lomolobong kahirapan. Hindi ba’t nangunguna tayo sa lahat ng nasa Timog-silangang Asya sa Gross National Product sa first quarter (January-March) nitong taon? Ang pasan ng gobyerno ay mapatunayan at maiparamdam ang ganitong balita sa mga naninirahan sa Payatas at sa mga taga Silverio Compound.

No comments:

Post a Comment