Saturday, June 9, 2012

MAY LABAN NGA BA SI GREGORIO DEL PILAR?


May laban ba si Gregorio del Pilar? Meron ba talagang labanang magaganap na sasalihan ni Gregorio o may laban nga ba talaga siya kumpara sa kanyang mga kaaway?

Nagagalak akong ipakilala sa inyo ang kaisa-isang barkong pandigma ng Pilipinas na pinangalanang Gregorio del Pilar na inangkat pa mula sa Amerika. Siguro nga ay dapat nga namang ipagmalaki itong ating tagapagtanggol sapagkat si Gregorio ay isang beteranong mandirigma na nagmula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Subalit ang aking pakay ay hindi ipagsigawan ang kakayanan ni Gregorio na ipagtanggol ang Pilipinas kundi ang nakaambang mga kalaban ni Gregorio na kapwa mga malalaking pandigmang sasakyang pandagat ng Tsina.

Ang pag-iisa ni Gregorio ay naghuhudyat ng kahinaan laban sa pinagsamang pwersa ng mga sasakyang pandigma ng Tsina. At ang anggulo ng kahinaan ay nagbibigay daan sa nakaambang gulo. 

Huangyan Island sa salita ng mga Intsik, Scarborough Shoal sa Ingles, at Panatag Shoal sa mga Pilipino, ito ang mainit na pinagaawayan ng Tsina at Pilipinas na umaasang maipaglalaban ni Gregorio.

Ang pagkakalabuan ng Tsina at Pilipinas ay tila baga laban ni David at Goliath. Ang Pilipinas bilang maliit na bansang walang panlaban ay may kapangyarihang angat kaysa sa malaking bansang Tsina. Ang pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas ay nagbibigay ng karagdagang pangamba sa Tsina na lusubin ang maliit na kapitbahay nito sa Timog Silangang Asya. Isang malaking pangamba ay ang  maliwanag na pahayag ni Barack Obama kay Noynoy Aquino nitong ika 9 ng Hunyo na tutulungan nito ang Pilipinas o ang mismong ASEAN sa pagbuo ng agreement sa Tsina tungkol sa “Code of Conduct in the South China Sea”, bilang ito’y gagamitin sa pagsasa-ayos ng mga hidwaan sa rehiyon.

Kung dadaanin sa simpleng legal na bagay, mas papaboran pa din naman ng maraming bansa ang ipinaglalaban ng Pilipinas na Scarborough Shoal bilang may 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) kumpara sa umaabot na ilang daang milya ang layo mula sa mismong kalupaan ng Tsina. 

Bilang karagdagan, ang Pilipinas mismo ay nabibigyan ng pabor dito sa International Law tungkol sa mga hidwaan sa teritoryo katulad ng sa Scarborough. Ito mismo ay alinsunod sa kaso ng “isla ng Palmas” na matatagpuan sa katimugang bahagi ng bansa. Ang isla ng Palmas ay napag-aagawan ng Netherland na dating sumakop sa Indonesia laban sa Amerika na sumakop sa Pilipinas pagkatapos matupad ang Treaty of Paris o ang pagbenta ng Espanya sa bansa sa mga Amerikano. Naging mainit din ang agawan sa islang ito. Sa napagkasunduan, nabigay ang Palmas Island sa Netherlands. Sa kasalukuyan, ang isla na ito ay nasa hilaga ng Indonesia. Ayon sa hatol, kahit mas malapit ang Palmas sa Pilipinas, hindi mismo nagkainteres ang Espanya sa islang ito habang hawak pala nila ang Pilipinas na siyang nagpatalo sa Amerika sa laban. Kung kaya’t ang Netherlands na mas nagpapakita ng soberanya sa isla ang nanaig. Naging kilala at basehan ang “Palmas Island case” pagdating sa mga hidwaan sa teritoryo. Kung sa gayon, pagmamay-ari ng bansa ang Scarborough Shoal kung i-base sa “Palmas Island Case” sapagkat noong 2010, isinali ng bayan ng Masinloc, Zambales ang Panatag Shoal bilang sakop ng kanilang munisipyo.

Nitong taon lang din, na-aproba ng UN ang pag-angkin ng Pilipinas sa isang “undersea landmass” na tinatawag na “Benham Rise” na matatagpuan sa Karagatang Pasipiko. Hitik sa mineral ang naturang “undersea landmass” ayon kay Energy Secretary, Ramon Paje. Ang lugar na ito ay unti-unting umaangat na pinaniniwalaang maapakan na ng mga Pilipino ilang milyong taon mula ngayon.

Batay sa ganitong tagumpay ng Pilipinas mula sa pag-aproba ng UN sa Benham Rise nitong 2012, sa simpleng legal na usapang mas malapit ang Panatag Shoal sa Pilipinas, sa pagbibigay hatol ng hidwaan sa teritoryo na nakabatay sa kaso sa Isla ng Palmas (na lumalabas na pabor sa Pilipinas), at sa pahayag na suporta ng Estados Unidos sa bansa tungkol sa Scarborough na inilapag ni Pnoy sa White House nitong ika-9 ng Hunyo ay nagmistulang malakas at malaki ang Pilipinas laban sa Tsina. Dito ay mas naging katakot-takot ang porma ni Gregorio del Pilar.

Walang interes ang Tsina na isumite ang isyung ito sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS). Kahit na sa panahon pa ni Estrada ay isinumite niya ang gusot na ito sa UNCLOS bilang maging subject sa mga angkop na batas. Sa International Law, walang aksyon na magaganap kung isang bansa lamang ang nagsumite ng consent nito sa international body. 

Sa kasalukuyan, bilang stratehiya ng Tsina na maging mahina ang ekonomiya ng bansa ay itinigil nito ang pag-angkat ng mga saging sa Pilipinas. Subalit hindi ito dapat ipangamba, ang pagtaas ng 6.4 porsiyento ng ating Gross National Product nitong unang kwarter ng 2012 na pinakamataas sa buong Timog Silangang Asya at pumapangalawa sa Tsina (na may 8.1%) kung isali sa ranking ang Silangang Asya. Ito ay magiging panlaban natin sa matagal nang pagmamaliit ng Tsina sa bansa.

Kahit na masasabi nating magiging matagumpay ang Pilipinas sa labang ito, magiging galit man ang Tsina sa anumang bansa, ay walang giyerang magaganap. Lumipas na ang isang dekada mula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi na ito nasundan dahil sa iniiwasang malaking gastos. Hindi ko inaakalang maging katotohanan ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig na pamamagatang “China vs. Philippines and friends”. Hanggang bullying lamang ang makakaya ng Tsina at hindi ko sila makikitang magsasayang ng napakalaking pera sa kabila ng gustong maging world superpower. Hindi man nila ito lantarang ipinapahayag ay makikita ang kanilang intensyon na agawin ang titulo ng 21st century na nasa US supremacy. Malaki na ang impluwensiya ng Tsina sa Africa na siyang 3rd largest training partner ng kontinente at unti-unting kinakabig naman ng Tsina ang Europa na naghihikahos sa eurocrisis. 

Anupaman, ipinagmamalaki ko si Gregorio del Pilar. Kahit na nakatambay lamang siya at naghihinitay sa mga kapwa Amerikanong barkong pandigma ay masasabing naitagumpay parin niya ang laban! Hephep! Hurray! :D



sources:
The Diplomat: Manila takes on the Goliath
related articles in Philippines Daily Inquirer
related articles in Philippine Star
Forum on China-Africa Cooperation
web.achive.org. (The Island of Palmas)
www.gov.ph (Statement on Presidents meeting with Obama)
betterphils.blogspot.com
haguejusticeportal.net (on Island of Palmas Case)









2 comments:

  1. YEAH, mabuhay si Gregorio del Pilar!

    ReplyDelete
  2. Yehey! haha. salamat Jechris! Hey. message me kaagad once may number ka na. preferably Globe or TM... I had an exchange of message kay Carl kanina using his TM. :)

    ReplyDelete